-
Sa bawat apak,Sa bawat sulyap,
Ako'y napahinto,
At napatingin sa ulap.
Sa aking pagtingala,
Nang nasilayan ang mga tala,
Ang puso ko'y nabighani,
Sa isang kumakaway na kislap.
O, sinta, isa kang natatanging bituin,
Ako'y naging bihag sa iyong pagningning,
Napahinto sa paghakbang nang pinaliligiran ng dilim,
Ako'y umibig sa isang banaag sa unang pagtingin.
O, sinta, ika'y sinundan nang sinundan,
Habang nakatingala, ako'y lumukso nang lumukso,
Nagbabakasakali na kahit mangawit ang aking mga binti at braso,
Maaabot ko naman ang tanging bituin na pinagmamasdan ko.
Ngunit sa aking pagtangka, matapos kong tumingala,
Tinignan ko aking sarili,
Nagmasid ako sa aking mga paligid,
At ito ang aking napagtanto,
O, sinta, hindi ka maaaring abutin,
Na kahit ano mang landas ang aking tahakin,
Ikaw ay inilikha sa tuktok ng daigdig,
Ako ay inilikha sa lupa, ako'y napadaing,
Mapagbiro! Malaya akong pinalilibutan ng kalawakan,
Ngunit parang akong bihag na nakabilanggo,
Ikaw nga ang aking natagpuan,
Ngunit hindi kailanman tayo magtatagpo.
Kaya, dito sa lupa,
Muli akong titingala,
Sisilayan ang mga tala,
At magdadasal kay Bathala,
Na kahit ikaw ay bituin sa kalangitan,
Ako ay magiging diamante dito sa kalupaan,
Na kahit hindi tayo itinadhana ng kapalaran,
Ang ating sinag nalang ang magtatagpo sa kalagitnaan.
--
(Para sa performance task. First time :( wala akong mapaghugutan kaya si kras nalang muna)
Subscribe to:
Comments (Atom)
Powered by Blogger.
